Vinta, isa nang malakas na bagyo; NDRRMC, naka-red alert

Isinailalim na sa Storm Signal No. 3 ang ilang lugar sa Northern Luzon nitong Huwebes habang lumalakas ang bagyong Vinta, ayon sa PAGASA.

Namataan ang sentro ng bagyo humigit-kumulang 200 km sa silangan ng Aparri, Cagayan, dakong alas-10 ng umaga, taglay ang lakas na aabot sa 120 kph malapit sa gitna at bugso ng hanging aabot sa 150 kph.

Tinatayang kikilos ito pakanluran timog-kanluran sa bilis na 26 kph at inaasahang tatama sa kalupaan ng northern Cagayan sa Huwebes ng hapon.

Inaasahan itong nasa 240 km sa kanluran  ng Laoag City sa Biyernes at maaaring lalabas sa  Philippine Area of Responsibility bago magtanghali.

Storm signals

Isinailalim sa Signal No. 3 ang:

    Cagayan, kabilang na ang Calayan at Babuyan Islands
Apayao
Ilocos Norte

Signal No. 2 sa:

    Batanes Islands
Abra
Kalinga
Ilocos Sur
Mountain Province
Isabela

Signal No. 1 sa:

    La Union
Benguet
Ifugao
Nueva Vizcaya
Quirino
Aurora
Pangasinan
Nueva Ecija
Tarlac
Zambales

Ayon sa PAGASA, ang bagyo ay maaaring magdala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan (5.0 to 15.0 mm kada oras) sa loob ng 500-km na lawak nito.

Pinag-iingat ang mga residente sa  mga lugar na isinailalim sa storm signals sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.

Gayun din, pinag-iingat ang mga nakatira malapit sa mga baybaying dagat sa mga lugar na may storm signal na  2 at 3 laban sa malalaking alon.

Nananatiling mapanganib ang paglalayag, ayon sa PAGASA, lalo na sa karagatan ng hilaga at silangang mga baybayin ng Luzon.

NDRRMC, naka-red alert

Inilagay ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Huwebes sa red alert ang mga kinauukulang operations center nito, at inatasang i-monitor ang bagyo at magpapakalat ng pinakabagong taya ng panahon.

Inatasan din nito ang mga Regional Disaster Risk Reduction and Management Councils, sa pamamagitan ng Office of Civil Defense, na magsagawa ng “precautionary measures” sa kanilang mga nasasakupan.

Sinabi rin nitong naglaan na ang Department of Social Welfare and Development ng emergency relief resources na nagkakahalaga ng P83.91 million.

Kabilang sa kabuuang halaga ang P1.035 milyon na standby funds, P11.33 milyong-halaga ng aabot sa 42,935 family food packs, at P71.54 milyon-halaga ng iba pang relief items.

May pondo at resources na umanong inilaan para sa Cordillera, Cagayan Valley, at Central Luzon.

Samantala, ang Department of Public Works and Highways ay nagtalaga na ng mga dump truck, payloader, road grader, at excavator at isang roller kung kinakailangang magsagawa ng clearing operations sa mga lugar na posibleng masalanta ng bagyo.

Handa na rin umano ang rubber boats, mga ambulansya, M35 trucks at KM450 trucks ng AFP, at ang Philippine National Police naman ay nakahanda na rin ang rubber boats, carrier trucks at search-and-rescue boxes.

Naka-full alert na rin umano ang Philippine Coast Guard sa northeastern Luzon. — LBG, GMA News