Pinay OFW na ni-rape daw ng amo sa Saudi, humihingi ng tulong

“Humihingi po ako ng tulong po kasi ni-rape po ako. Pinagsamantalahan po.”

‘Yan ang panawagan ng OFW sa saudi arabia na si “Hilda,” hindi niya tunay na pangalan, sa report ni James Agustin sa Balitanghali ngayong Lunes.

Sa ekslusibong panayam sa kanya ng GMA News, ibinahagi ng biktima ang bangungot na sinapit niya sa kamay ng mapang-abusong amo.

Nitong July 19 habang namamalantsa si Hilda, pinasok siya ng among lalaki at tinangkang gahasain.

Nagpumiglas si Hilda pero nakuha ng amo niya ang mainit na plantsa.

“Paplantsahin po sana ang mukha ko kaya lang tinakpan ko po ng kamay ko po,” aniya.

Naplantsa tuloy ang braso ng biktima.

Nagawa rin daw ng suspek ang masama nitong balak sa kanya.

Nagsumbong ang OFW sa amo niyang babae. Naawa naman daw sa kanya ang misis ng suspek at dinala siya sa ibang bahay.

Ang sinapit niyang ‘yan, naipagbigay alam na ng GMA News sa Overseas Workers Welfare Administration sa Saudi Arabia.

Ayon kay OWWA officer Benny Reyes, nakikipag-ugnayan na ang kanilang quick response team sa employer ni Hilda.

Nakausap na rin daw ng Philippine Overseas Labor Office ang among suspek na itinanggi raw ang mga paratang.

Nakikipagtulungan na rin ang recruitment agency ni hilda para makuha siya sa kanyang mga amo. Source: JST, GMA News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.