| Kung 'buwaya' ang nakikita... |
|
|
|
| Written by Editoryal PSN |
| Wednesday, 22 February 2012 09:07 |
Mahirap dayain ang katotohanan, hindi maaa-ring pagtakpan ang nakikita ng dalawang mata, kung ang nakikita sa lipunan ay matatakaw na buwaya, hindi maaaring ang lumabas ay mababait na tupa. Isang panuklang batas ang isinusulong ngayon na nagbabawal ilarawan ang mga congressmen na masasamang tao at corrupt sapagkat hindi naman ito totoo. Kapag naging batas ang Resolution 2140, hindi na maaaring ilarawan sa pelikula o mga telenobela ang isang congressman na masamang tao o kaya'y corrupt o abusado. Sabi ni Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr. na principal author ng resolution, hindi naman umano tama na ilarawan sa pelikula at telenobela ang mga kongresista na masasamang tao sapagkat taliwas naman aniya sa katotohanan. Hindi raw masasama ang mga congressmen. Bagkus, nagtatrabaho sila nang husto para sa kapakanan ng kanilang constituents. Nata-typecast umano ang mga congressmen sa masasamang tao at maaaring isipin ng mga batang manonood na ganun talaga sila. Hindi naman daw dapat ganun sapagkat maraming congressmen na ang kapakanan ng mga bumoto sa kanila ang tanging naiisip. Ayon kay Gonzales, may mga congressmen na nakagagawa ng kasalanan pero ang mga ito ay iilan lang at mas marami ang gumagawa ng kabutihan sa bayan. Ang hinihingi lamang umano nila ay ma-ging parehas sa paglalarawan sa mga katulad nilang congressmen. Nananawagan siya sa mga pinuno ng TV at movie industry na sana ay pakinggan ang kanilang kahilingan. Noon pa man, lagi nang ang papel ng mga congressmen sa pelikula ay masama at corrupt. Ito ang nakagisnan ng mga manonood kaya kapag nakakita sila ng congressman, ang nasa isip nila ay masamang tao. Tila mahirap nang baguhin ang pagkakilala sa kanila pagdating sa pelikula o sa telenobela. Ang pinaka-maganda marahil magagawa ay magpakita pa nang magagandang halimbawa ang mga congressmen sa mamamayan para ganap na mapawi ang masamang pagkakakilala. Kapag narinig na lang ang "pork barrel" ng mga congressmen, may masama na agad na naiisip sa kanila ang mamamayan. Kapag nakita ang sasakyang may plakang numero 8 na nanghahawi ng mga motorista, masama ang nasa isip ng mamamayan. Nasa congressmen ang susi para hindi ma-portray na abusado o corrupt. ---source PSNComments (0) |










