| Selda Tanggap Na Ni Gloria |
|
|
|
| Written by Lordeth Bonilla |
| Sunday, 27 November 2011 08:20 |
Sinimulan na umanong mag-impake ng kanyang mga personal na gamit si dating pangulo at ngayo'y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo dahil anumang araw ay maaari na siyang lumabas mula sa Saint Luke's Hospital, Taguig City. Nabatid sa kanyang abogado na si Atty. Raul Lambino, wala ng suero si Ginang Arroyo at sumasailalim na lamang ito sa theraphy. Ayon kay Lambino, handa naman aniyang harapin ni Ginang Arroyo kung ano man ang mangyayari dito. Sakaling ma-house arrest si Arroyo, pinagpipilian pa ng kanyang pamilya kung sa bahay nito sa La Vista, Quezon City o sa Pampanga iha-house arrest ang dating pangulo. Gayunman, depende aniya sa magiging desisyon ng korte kung sa paglabas nito sa ospital ay isasailalim ba ito sa house arrest o ididiretso sa inihandang kulungan nito sa Southern Police District (SPD). Subalit aniya wala naman magagawa ang dating pangulo sakaling magdesisyon na si Pasay City RTC Judge Jesus Mupas na ikulong sa SPD detention cell. Bukod dito umaasa pa rin ang kampo ng dating pangulo na tutuparin ng Malacañang ang naunang pahayag na hindi nila haharangin ang house arrest ng kanilang kliyente. Muling nilinaw ni Lambino bagama't bumubuti na ang kalagayan ng dating pangulo hindi pa rin aniya ito tuluyang magaling mula sa kanyang karamdaman. Mali ang umano'y pinapalabas na propaganda ng gobyerno at mga kritiko ng dating pangulo na magaling na ito kaya tama lang na hindi payagang makalabas ng bansa para magpasuri ng kanyang sakit. Sinabi pa ni Lambino, kaya nila inihirit ang house arrest sa Pasay RTC ay dahil bumubuti na ang lagay nito kumpara noong mga nakaraang araw pero tuloy pa rin aniya ang pag-inom nito ng mahigit 25 pirasong gamot kada araw, dahil hindi pa siya ganap na magaling. Sa ginanap na hearing kamakalawa sa sala ni Judge Mupas ng Branch 112, mananatili pa rin ang dating pangulo sa St. Luke's habang hindi pa nakakapagsumite ng motion ang kampo ni Arroyo upang isailalim ito sa house arrest. Bukas ay maghahain ng motion ang kampo ni Arroyo para sa house arrest. Inaasahan naman ni Atty. Lambino na agad na magpapalabas ng desisyon si Judge Mupas sa kanilang kahilingan sa susunod na linggo. Dagdag pa ng abogado na hindi pa man nagdedesisyon ang korte kung house arrest o sa detention facility ilalagay si Arroyo ay labis na nalulungkot ang kanyang buong pamilya lalu na ang kanyang mga anak at apo sa magiging kahihinatnan ng kasong kinakaharap ng dating pangulo. --- Courtesy Of PSNComments (0) |










