| 3 Abugado Ni CGMA Pinaiimbestigahan |
|
|
|
| Written by Doris Franche at Gemma Garcia |
| Tuesday, 29 November 2011 07:41 |
Dahil sa di umano'y pangha-harass at pagsisinungaling, paiimbestigahan ni Justice Secretary Leila de Lima ang tatlong abogado ng dating pangulo at ngayon ay Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Ayon kay De Lima, dapat umanong malaman kung nagsabwatan si Atty. Jose Flaminiano, Raul Lambino at Ferdinand Topacio para itago ang tunay na kalagayan sa kalusugan ni Mrs. Arroyo. Iginiit ng kalihim na maituturing na obstruction of justice at grave coercion ang ginawa ng tatlong abogado matapos na nilabag umano ng tatlo ang karapatan ng ibang contestant. Sinabi ni De Lima na kung anu-ano umanong mga dahilan ang inilalabas ng mga abogado ng dating pangulo upang hindi maikulong. Lumilitaw na maayos na ang kalusugan ni Gng. Arroyo kung kaya't inaapela ng kampo nito ang house arrest subalit iba naman ang pinalalabas ng mga legal counsel nito. Kamakalawa ay lumabas na kailangan na sumailalim sa colonoscopy si Gng. Arroyo dahil na rin sa tuluy-tuloy na pagtatae nito. Samantala, hinamon ng abogado ni CGMA si Bayan Muna Rep. Teddy Casiño na maghain ng disbarment laban sa kanilang mga abogado dahil sa umano'y pandaraya tungkol sa tunay na kalagayan ng kalusugan nito. Sa pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio, kung matapang talaga si Casiño dapat itong pumunta sa korte o sa impiyerno o saan mang lugar na gusto nito sa halip na magbigay ng maling impormasyon sa publiko dahil sa iniisip umano nito na ang pakikipag-daldalan ay katumbas na ng legislative accomplishment nito. Ayon pa sa abogado, walang presyo at mumurahin ang pagdadaldal, kaya't ang dapat umanong gawin ni Casiño ay ilagay ang pera nito sa kanyang bibig at kaagad maghain ng disbarment case laban sa mga abogado ng pamilya Arroyo upang makita kung haka-haka lang na nakagawa sila ng professional misconduct. Inakusahan din ni Topacio si Casiño na ginagamit si Arroyo upang mapansin siya para sa senatorial bid kaya't hinikayat nito ang mambabatas na mas lalo pang palakasin ang kanyang performance bilang kongresista. "The trouble with Mr. Casiño and the so-called 'Makabayan Block' is that they sanctimoniously posture themselves as having a monopoly of patriotism. This is miserable and hypocritical. I have also been at the forefront of giving free legal services for the poor and downtrodden for almost two decades, but I never invite publicity for it. In fact, twice I have approached Rep. Casiño for help for clients who were oppressed, but he never lifted a finger to help them," ayon pa kay Topacio. Ang pahayag ni Topacio ay kaugnay sa akusasyon ni Casiño na miyembrong Makabayan Bloc na niloko ng mga tagapag-salita ni Arroyo ang publiko sa pagsasabing ang dating pangulo ay may malubhang sakit at kinakailangang manatili sa ospital hanggang hindi sinasabi ng doktor nito na kailangan na siyang lumabas ng ospital. Sa kabilang dako, ipinipilit pa rin ni House Deputy Minority Leader Danilo Suarez, na sa bahay na lamang sana si Arroyo kung saan ang "comfort zone" ng dating pangulo ay doon dapat ito ilagay. --- Courtesy Of PSNComments (0) |










